Ilegal na dentista tiklo sa entrapment
CAVITE, Philippines — Isang ilegal na doktora ang inaresto dahil sa aktong nagseserbisyo ng walang kaukulang permit bilang dentista, sa isinagawang entrapment operation ng pulisya sa lungsod ng Trece Martires.
Nahaharap sa paglabag sa Sec 33 (a) ng RA 9484 (The Philippine Dental Act of 2007) ang suspek na nakilalang si Syrah Flouresca Rodriguez, 34-anyos ng Brgy. Inocencio, Trece Martires City.
Sa ulat sa tanggapan ni Cavite Provincial Police Office director Col. Christopher Olazo, alas-6 ng gabi nang isagawa ang entrapment operation ng pinagsanib na puwersa ng CIDG Cavite PFU (Lead Unit), Cavite PFMC, 401st A MC RMFB4A, Trece Martires CPS, Maritime Cavite kasama ang team ng Philippine Dental Association (PDA)-Cavite Chapter sa pangunguna ni Dra. Ragos, deputy chairman sa lugar kung saan naaktuhan ang suspek na may mga kustomer at nagpapasuri sa kanilang mga ngipin sa 2nd floor AGDC Bldg. sa Brgy. Inocencio.
Nabatid na walang certificate of registration at professional identification card and special permit na inisyu sa suspek kung kaya wala itong karapatang magsagawa ng anumang dental practice sa kahit sino.
Nakumpiska sa dental clinic ng suspek ang iba’t ibang kagamitan.
- Latest