Higit P1-M halaga ng 'marijuana' kumpiskado sa 2 kabataan sa Bulacan
MANILA, Philippines — Tiklo ang dalawang katao sa probinsya ng Bulacan matapos mahulihan ng lagpas P1 milyong halaga ng pinaghihinalaang marijuana, ayon sa Police Regional Office 3.
Biyernes nang magkasa ng buy-bust operation ang Marilao Municipal Police Station sa Brgy. Abangan Sur, bagay na ikinahuli ng 25-anyos na si Pethuel Mizona at 21-anyos na si Danica Moreno — pareho mula sa naturang probinsya at itinuturing na high-value targets.
"A total of twelve (12) pieces of plastic-wrapped bricks of suspected marijuana fruiting tops weighing 11.6kg with an estimated street value of Php1,160,000.00 and Php1,000.00 bill as marked money were seized from the suspects during the operation," ayon sa pahayag ng PRO 3 kanina.
"Appropriate charges for violations of Sec. 5 and 11 of Art II of R.A. 9165 are being readied against the suspects for court referral."
Si Mizona ay sinasabing tindero at residente ng Bocaue habang taga-Marilao naman si Moreno.
Pinapurihan naman ni PRO3 Regional Director PBGen. Cesar Pasiwen ang kapulisan dahil sa kanilang operasyon, habang ipinapangakong ipagpapatuloy ang pagsupo sa "lahat ng uri ng kriminalidad, partikular na ang gera kontra droga sa ilalim ni Philippine National Police chief PGen. Rodlfo Azurin Jr.
Bagama't nakaka-high, matagal nang itnutulak ng mga advocates na gawing ligal ang marijuana bilang halamang gamot at para na rin sa recreational purposes.
Ngayong Hulyo lang nang ihain ni Sen. Robinhood Padilla ang Senate Bill 230 upang gawing ligal ang medical marijuana sa Pilipinas bilang alternatibong gamot sa mga Pinoy na dumaranas ng "debilitating medical conditions."
Sa huling taya ng Philippine Drug Enforcement Agency, aabot na sa 6,252 ang namamatay dahil sa madugong "war on drugs" simula noong Hulyo 2016, bagay na nagmula sa 239,218 anti-illegal drug operations na ikinasa ng mga otoridad. — James Relativo
- Latest