Diarrhea tumama sa 6 barangay: 2 nasawi, 50 pa naospital sa Tacloban City
TACLOBAN CITY, Philippines — Dalawa ang patay habang nasa 50 pa ang naopistal matapos tamaan ng diarrhea ang mga residente sa may anim na barangay sa Tacloban City, nitong nakalipas na isang linggo.
Isa umano sa dalawang nasawi ay ang 10-buwang gulang na sanggol.
Ayon sa Tacloban City Health Office, ang dalawang biktima ay kapwa namatay, sa matinding dehydration bunsod ng diarrhea o pagdudumi.
Agad na nagsagawa ang health authorities ng rapid diagnostic tests sa mga pasyenteng tinamaan ng nasabing sakit na nagmula sa Barangays 105, 106, 107, 91-Abucay, 39-Calvary Hill at 79-Marasbaras.
Sinabi kahapon ni City Health Officer Danny Ecarma na lumabas sa resulta ng isinagawang pagsusuri sa mga pasyente na positibo sila sa cholera. Posible aniyang dahilan ito sa kontaminadong tubig na kanilang nainom mula sa mga lugar sa lungsod na apektado.
Iniutos na ni Mayor Alfred Romualdez ang inspeksyon sa lahat ng water refilling stations at sa lahat ng pinagmumulan ng inuming tubig sa mga nabanggit na apektadong lugar.
Sa kabila nito, hindi pa idinedeklara ng city health authorities kung may outbreak o wala.
- Latest