Ban sa pagmimina at quarrying sa Bulacan pansamantalang binawi
MALOLOS CITY, Philippines — Matapos ang unang inilabas na kautusan na ipinagbabawal na ang pagmimina at quarrying sa Bulacan, pansamantalang binawi na ito ni Governor Daniel Fernando.
Sa isang follow-up meeting kasama ang sektor ng pagmimina na ginanap sa The Pavilion, Hiyas ng Bulacan Convention Center kamakalawa ng umaga, inihayag ni Fernando na pansamantalang ipagpapaliban ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ang pagpapatupad sa Executive Order No. 21-2022 sa Oktubre 26, 2022 na nagsususpindi sa pagmimina at pag-quarry sa lalawigan.
Aniya, maaari nang magpatuloy ang mga nasa sektor ng pagmimina sa mga quarrying operation alinsunod sa mga alituntunin na ibinigay ng Bulacan Environment and Natural Resources Office (BENRO) kung saan ang mga aplikante at existing holders ng special, quarry, at iba pang katulad na permit ay binigyan ng bago at modified na mga alituntunin patungkol sa environmental sustainability ng kanilang mga operasyon kabilang na ang haulers, blasting companies, processing plants, cement companies at bentonite operators.
Dagdag ng gobernador, ginagawa na rin ngayon ng Sangguniang Panlalawigan ang ordinansa hinggil sa overloading at quarrying.
“Temporarily, I will resume the lifting of temporary suspension by October 26. Ibig sabihin, kaya ko sinabing temporary, hindi ko bibigyan ng tuldok na regular or permanent because ginagawa pa ng Sangguniang Panlalawigan ngayon ang ordinance ng overloading at pati ‘yung sa illegal quarrying. Iyon ang hihintayin natin at magre-resume tayo sa pagiging regular at permanent,” ani Fernando.
Sa kabila nito, iginiit ni Fernando na kapag nakahuli sila ng isa hanggang tatlong indibidwal o mga kumpanya na hindi sumusunod sa mga alituntunin at regulasyon, muli nitong ipatutupad ang quarrying ban. Mahigpit din siyang nagpaalala na huwag suhulan ang sinuman kabilang na siya at ang mga watchman para makamit ang layunin ng pagpapatupad ng E.O. 21-2022.
- Latest