Sundalo, basag ang ulo sa aksidente
SORSOGON CITY, Sorsogon, Philippines — Hindi na umabot nang buhay sa pagamutan ang isang sundalo matapos na mabasag ang ulo nang sumabit ang minamanehong pribadong tricycle sa Toyota Hilux at mabangga naman ng kasalubong na pampasaherong jeepney sa kahabaan ng Maharlika National Highway sa Purok 1, Brgy. Guinlajon, West District, sa lungsod na ito kamakalawa ng hapon.
Agad nasawi dahil sa matinding sugat sa ulo ang biktima na kinilalang si Cpl. Santiago Remetir Pernecita, 46-anyos, may asawa, residente ng Purok 5, Brgy. Basud, West District, Sorsogon City at aktibong kasapi ng 22nd Infantry Battalion ng Philippine Army na nakabase sa bayan ng Bulan.
Sa ulat, dakong alas-4:40 ng hapon, magkasunod na binabagtas ang nasabing lugar ng tricycle ng sundalo at ng Toyota Hilux pick-up truck (EAF-3408) na minamaneho ni John Jeric Bayoca Despuig, 27-anyos, residente ng Brgy. Bitan-o nang maganap ang aksidente.
Sinubukang mag-overtake ng pickup truck sa kanang bahagi ng sinusundang tricycle pero kumabig pakanan naman ang huli patungong outer lane dahilan para sumabit ito sa hulihang bahagi ng nasabing pickup.
Nawalan ng kontrol ang tricycle dahilan para sumirko ito at bumaliktad sa kalsada at mabangga naman ng paparating na pampasaherong jeepney (EVP-385) na minamaneho ni Domingo Mabini Dawal, 54-anyos, residente ng Brgy. Peñafrancia ng naturang lungsod.
Agad nasawi ang biktima dahil sa matinding pinsalang tinamo sa ulo.
- Latest