Lider ng drug syndicate, 3 pa tiklo sa ‘pot session’
GAPAN CITY, Nueva Ecija, Philippines — Naaresto ng mga otoridad ang isang lider at tatlo nitong tauhan ng isang drug syndicate sa ‘pot session’ sa isang bahay sa Valdez Subdivision, Barangay San Roque ng lungsod na ito, kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ni P/Lt. Col. Wilmar Binag, officer-in-charge ng Gapan City Police, ang mga suspek na sina Richard Domingo, alyas “Gemo”, lider ng Salvador Robbery and Illegal Drug Group,mga tauhan na sina John Mark Navarro, alyas “John-John”, 29; Julius Ulpindo, alyas “Juli”, 29, tubong Angono, Rizal; at Guillermo Magbitang, alyas “Greg” 42, may-asawa, pawang mga nakatira sa Barangay San Roque ng lungsod na ito.
Batay sa ulat, alas-12:30 ng madaling-araw sa bisa ng dalawang search warrant na inihain laban kay alyas “Gemo”, dito’y naaktuhan pang nagpa-pot session ang grupo.
Ang dalawang search warrants ay para sa paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition at RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Nakumpiska sa grupo ang tinatayang 25 gramo ng umano’y shabu na may halaga umanong P170,000 at 0.45 gramo ng marijuana na may halagang P300; 1 sachet na may laman umanong residue ng hinihinalang shabu, 5 lighter, 1 rolled aluminum foil, 1 aluminum foil strip, 1 crumpled paper na may laman umanong marijuana, 3 glasses water pipe tooter, 1 itim na pouch.
Nakakumpiska rin ang pulisya ng mga baril, bala at pampasabog sa lugar na kinabibilangan ng 1 Taurus Cal .40 pistol, 1 Cal .40 magazine, 1 Armscor Cal.38 revolver, 1 red box na may laman na 53-piraso ng bala ng Cal .40 at isang MK2 fragmentation grenade; at pera na P5,000 bill.
- Latest