Ex-Maguindanao Governor Ampatuan hinatulan ng 128 taong pagkabilanggo
MANILA, Philippines — Hinatulan ng 128 taong pagkakakulong ng Sandiganbayan si dating Maguindanao Governor Datu Sajid Islam Ampatuan kaugnay ng kasong graft at malversation of public funds, may ilang taon na ang nakalilipas.
Sa ibinabang desisyon ng 1st Division ng Sandiganbayan nitong Lunes ng hapon, si Ampatuan ay napatunayang “guilty beyond reasonable doubt” sa 4-counts of graft at 4 counts of malversation of public funds dahil sa pamemeke ng dokumento.
Si Ampatuan ay nahatulan ng reclusion perpetua o 20-40 taong pagkakakulong sa bawat isang count ng malversation of public funds at 14-18 taon naman sa 4 counts of malversation at 6-8 taong kulong naman sa bawat isang count ng graft.
Ayon sa anti-graft court, sa pagitan ng Disyembre 2008 at Setyembre 2009 ay napatunayang pineke ni Ampatuan ang mga public documents para palabasin na nasa P79 milyong public funds ang ginamit sa pagbili ng bigas, sardinas, kulay pulang asukal at tuyo mula sa iba’t ibang suppliers pero wala namang nabiling mga produkto ang pamahalaang panlalawigan.
Samantala, nadiskubre pa na ang mga suppliers ay gawa-gawa lamang na kinabibilangan ng H&S Merchandise, Nestor Merchandise, N&S Merchandise, at Isulan General Merchandise.
Pinatunayan ng Department of Trade and Industry at Securities and Exchange Commission at Business Permits and Licensing Section ng Isulan, Maguindanao na walang mga ganitong suppliers na nakarehistro at naisyuhan ng permit para magnegosyo.
Si Datu Ali Abpi, dating Maguindanao Provincial Budget Officer na miyembro ng Bids and Awards Committee ng lalawigan ay napatunayan ding “guilty” sa 5-counts ng graft at 5-counts ng malversation of public funds. Hinatulan siya na makulong ng 6-8 taon sa bawat limang counts ng graft, at reclusion perpetua sa bawat isa sa unang 4 counts ng malversation at 14-18 taong pagkakakulong sa ikalimang counts ng malversation.
Inatasan din ng anti-graft court si Ampatuan at Abpi na magbayad ng P79.75 milyon na siyang halaga ng dinispalko nilang pondo ng bayan at permanente rin silang bawal na tumakbo o humawak ng anumang posisyon sa gobyerno.
- Latest