Daulah Islamiyah sub-leader, 6 pa sumuko
MANILA, Philippines — Matapos na mademoralisa sa kanilang hanay, boluntaryong sumuko ang isang sub-leader ng teroristang grupo na Daulah Islamiyah at anim pa nitong tauhan sa tropa ng militar sa lalawigan ng Maguindanao nitong Biyernes.
Sa report ni 6th Infantry Division (ID) ng Philippine Army at Joint Task Central (JTF) Commander Major Gen. Roy Galido, kinilala ang sumukong sub-leader na si Homi Abao Abdulmalik alyas Umi, 34-anyos.
Ang mga sumuko nitong tauhan ay nakilala naman sa mga alyas na Tongs, 29; Bads, 31; Jer, 34; Tor, 35; Alex Mineral/Abu Ali, 47; at alyas Kamad, 47 taong gulang.
Ang grupo ni Abdulmalik ay sumurender kay Lt. Col. Michael Glenn Manansala, commanding officer ng 6th Infantry Battalion sa kanilang himpilan sa Brgy. Buayan, Datu Piang ng lalawigang ito.
Iprinisinta ang mga nagsisuko kay Army’s 60IB Deputy Brigade Commander Col. Ricky Bunayog; mga kinatawan ng Maguindanao Provincial Police Office sa pangunguna ni P/ Lt. Col. Jobert Caldea, deputy provincial director for admin; Atty. Cyrus Torreña, provincial administrator; mga kinatawan ng Local Government Unit (LGU) at maging ang mga stakeholders.
Isinuko rin ng mga terorista ang kanilang mga armas na kinabibilangan ng isang 7.62mm M14 rifle, isang rocket-propelled grenade, isang 5.56mm M653 rifle, isang 5.56mm M16A1 rifle, dalawang cal. 30 Sniper rifle, at isang cal. 30 M1 Garand rifle.
- Latest