Radio commentator kinuyog, binugbog!
MANILA, Philippines — Kinondena ng Bayan Muna ang pag-atake at panggugulpi sa isang radio commentator ng tatlong lalaki sa harapan mismo ng Radio Mindanao Network (RMN) radio station sa La Paz District, Iloilo City nitong Biyernes.
Ayon kay Bayan Muna Chairman Neri Colmenares, ang biktimang si Florencio “Flo” Hervias ay inatake at pinagtulungang bugbugin ng tatlong lalaki sa labas mismo ng gusali ng RMN Iloilo station sa La Paz District sa lungsod ng Iloilo bandang alas-11 ng tanghali.
Sa impormasyong nakalap ni Colmenares, pasakay na umano sa motorsiklo si Hervias nang lapitan at pagsusuntukin ng tatlong lalaki na naka-maskara kaya ‘di namukhaan ng radio commentator.
Nabatid pa na target ng mga attackers ang ulo ni Hervias na mabuti na lamang ay nakasuot ng helmet kung saan nagtamo ito ng sugat sa mukha mula sa nabasag na headgear na kaniyang suot.
Sinabi ni Colmenares na ang pag-atake kay Hervias ay naganap ilang araw lamang matapos ang ambush–slay sa radio commentator na si Percival Mabasa, o mas kilala bilang Percy Lapid ng “Lapid Fire” ng DWBL 1242 sa Las Piñas City noong Lunes ng gabi.
“Bayan Muna condemns the brazen attack on another member of the media Flo Hervias. There should be an independent investigation on these attacks on our media practitioners. Like lawyers, media should not be attacked for the exercise of their profession. Kung may problema sila sa amin, dalhin nila sa korte”, ani Colmenares.
Nabatid na isang lokal na opisyal ang binibira ni Hervias sa kaniyang radio program hinggil sa renovation sa ilang public market sa lungsod bago nangyari ang pag-atake.
- Latest