5 ‘fallen heroes’ ng Bulacan binigyang-pugay
MALOLOS CITY, Bulacan, Philippines — Isang espesyal na pagpupugay ang iginawad sa limang rescuers ng Bulacan na tinaguriang mga “bayani” matapos masawi habang nagliligtas ng buhay noong kasagsagan ng super typhoon Karding sa Bulacan Capitol Gymnasium, dito kahapon.
Ang programa na tinawag na “Salamat at Paalam… Luksang Parangal para sa mga Bayaning Tagapagligtas!” ay dinaluhan ng pamilya ng mga biktima, mga empleyado ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pangunguna nina Gob. Daniel Fernando at Bise Gob. Alexis. Castro, rescuers mula sa iba’t ibang probinsiya at mga munisipalidad sa bansa, opisyales mula sa nasyonal at rehiyon na ahensiya kabilang ang DSWD, DILG, Office of Civil Defense, NDRRMC at iba pang mga panauhin.
Sa huling sandali, binigyan ang publiko ng pagkakataon na makita at makapag-usal ng panalangin, papuri at pasasalamat para sa limang bayani na sina George E. Agustin mula Iba O’ Este, Calumpit; Troy Justin P. Agustin ng Sta. Rita, Guiguinto; Marby A. Bartolome ng Bulihan, Lungsod ng Malolos; Jerson L. Resurreccion ng Catmon, Santa Maria; at Narciso Calayag Jr. ng Lungsod ng Malolos.
Isang misa ang idinaos bago ang programa at sinundan ng pagpapalabas ng AVP, pagkanta ng Pambansang Awit, viewing ng mga opisyales ng Pamahalaang Panlalawigan at mga VIPs, mensahe mula kay Gov. Fernando at iba pang mga indibiduwal na nagnanais magbigay ng pananalita at magparating ng tulong.
Pinagkalooban din ang mga fallen heroes ng plake ng pagkilala para sa kanilang hindi matatawarang paglilingkod sa bayan.
Binigyan din ng pagkakataon ang mga nagdadalamhating miyembro ng pamilya ng limang nasawi na magbigay ng kanilang tugon o mensahe ng pasasalamat.
Samantala sa Olongapo City, nagbigay-pugay rin kahapon ang lokal na pamahalaan sa nasawing limang rescuers sa pamamagitan ng pagpapatunog ng mga sirena o Siren of Salute kaisa ang lahat ng barangay sa lungsod.
Nagsimula ang “Salute of Siren” ganap na alas-5:05PM, 5:10PM, 5:15PM, 5:20PM, 5:25PM kahapon na tumagal ng 25 segundo.
- Latest