Dental clinic staff itinumba ng tandem
CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Patay ang 30-anyos na babae na nagtatrabaho sa isang dental clinic matapos barilin ng riding-in-tandem suspects habang lulan ng tricycle sa Barangay Santor, Tanauan City, Batangas nitong Huwebes ng umaga.
Ayon kay Col. Pedro Soliba, Batangas police director, habang papasok sa trabaho ang biktima na nakilalang si Keensha Anne Pamplona, isang dental clinic staff, sakay ng tricycle nang bigla silang harangin ng dalawang suspek na magkaangkas sa motorsiklo dakong alas-9 ng umaga.
Isa umano sa mga suspek ang bumaril sa biktima nang tangkain nitong manlaban at hindi ibigay ang kanyang bag.
Matapos ang pamamaril, tumakas ang mga suspek habang mabilis na isinugod sa Laurel District Hospital ang biktima subalit nasawi habang nilalapatan ng lunas.
Narekober ng mga pulis sa crime scene ang isang basyo ng bala ng kalibre 45.
Sinabi ni Soliba na may “lead” na ang Tanauan Police sa pagpatay sa biktima at sinisilip ang “love triangle” at hindi ang anggulong “robbery holdup” na motibo sa krimen.
Naniniwala aniya ang mga imbestigador na ang mga suspek ay mga hired killers na nabayaran para itumba ang biktima.
“We’re able to identify the brain behind the killing of Pamplona after the assailants got only the victim’s cellphone not her belongings and cash money,” pahayag ng opisyal.
- Latest