Vlogger, 2 pa tiklo sa P3.7 milyong marijuana
MANILA, Philippines — Tatlong pinaghihinalaang notoryus na drug pusher kabilang ang isang vlogger sa social media ang nasakote matapos makumpiskahan ng P3.7 milyong kush o high grade marijuana sa buy-bust operation ng pulisya sa San Pablo City, Laguna nitong Sabado ng madaling araw.
Sa ulat ng Police Regional Office (PRO) 4-A, kinilala ang mga suspek na sina Jerome Zapanta Layson, isang negosyante at kilala bilang “Jhem Bayot”na vlogger sa Facebook at Youtube; Ginalyn Benisa at Crismark Alimagno.
Bandang alas-3:18 ng madaling araw nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng Drug Enforcement Unit (DEU) ng San Pablo City Police sa Brgy. San Isidro laban sa mga suspek.
Isang ang nagpanggap na buyer at nakipagtransaksiyon sa mga suspek para makabili ng high grade marijuana sa halagang P1, 500.
Ang mga suspect ay inaresto sa aktong binebentahan umano ng kush ang undercover agent ng pulisya.
Nakumpiska rin sa mga suspek ang karagdagang anim na malalaking transparent plastic bag at apat na medium size na naglalaman ng high grade marijuana na nasa kabuuang 2.5 kilo at nagkakahalaga ng P3,750,000.
Lumilitaw na si alyas Jhem Bayot na taga-Caloocan City ang tumatayo umanong lider ng kanyang grupo. Umuupa lang siya ng apartment sa lungsod kung saan ang negosyo nitong Pares ay pang-cover lang umano sa illegal nitong aktibidades.
Samantalang ang mga ni-recruit naman nito sa kaniyang negosyo ang ginagamit umanong couriers at runners ng droga habang tricycle naman ang pang–deliver at gamit din sa pag-pickup ng kanilang mga kontrabando.
- Latest