Sekyu na nagmamando ng traffic sinuyod ng SUV, patay
Insidente nakunan ng dashcam
CAVITE, Philippines — Tila muling naulit ang pangyayaring pagsuyod sa isang security guard na nag-viral sa social media matapos na isa pang guwardya na nagmamando lang ng trapiko ang binangga ng SUV sa tapat ng Orchard Golf and Country Club kamakalawa ng hapon sa Brgy. Salawag, lungsod ng Dasmariñas.
Tumilapon at lumagapak sa kalsada na agad na ikinasawi ng biktimang nakilang si Rodolfo Tina Mejos, 52-anyos, security officer ng Orchard Golf and Country Club, Brgy.Salawag Dasmariñas Cavite.
Sa imbestigasyon ni P/Staff Sgt. Jesus Bae, may hawak ng kaso, alas-5:50 ng hapon habang nagmamaniobra ng mga sasakyan ang biktima na papasok at palabas ng Orchard Golf and Country Club kung saan ito naka-duty nang bigla siyang suyurin ng rumaragasang Mitsubishi Montero Sport na may plakang DAM 4991 at minamaneho ng suspek na si Primo Mallari Salarda, 51-anyos, negosyante na kasalukuyan na ngayong hawak ng pulisya.
Agad na nag-viral sa social media ang insidente makaraang makuhanan ang buong pangyayari ng isang dashcam na nakakabit sa isang sasakyan na dumadaan sa lugar ng mga oras na iyon.
Naitakbo pa sa pagamutan ang biktima subalit sa tindi ng pagtilapon nito, nalasog ang kanyang katawan at napuruhan ng pinsala sa ulo.
Patung-patong na kaso ang kakaharapin ng negosyanteng suspek.
- Latest