Negosyante tepok sa kidlat, kapitbahay sugatan
CAVITE, Philippines — Patay matapos matusta sa tama ng kidlat ang isang negosyante, habang sugatan ang kakuwentuhan nitong kapitbahay makaraan silang masapol ng kidlat habang nagkukuwentuhan sa harap ng tindahan ng una, kamakalawa ng hapon sa Brgy. San Agustin, Trece Martirez City.
Hindi na naisalba pa sa pagamutan ang biktimang si Edrin Musa, nasa hustong gulang, store owner at residente sa naturang lugar habang bahagyang nasugatan matapos madaplisan ng kidlat ang kapitbahay nito na si Mark Arjay Layno, 26 anyos.
Sa nakalap na ulat, alas-4 ng hapon nang maganap ang insidente habang kasagsagan ng malakas na ulan na sinasabayan ng mga kulog at kidlat.
Habang nagkukuwentuhan ang mga biktima sa harap ng tindahan kasama ang iba pang mga kapitbahay nang biglang kumidlat ng malakas at tuluy-tuloy na nasapol sa likod si Musa.
Sa tindi ng tumamang kidlat, tumagos ito hanggang sa dibdib ng biktima at dumiretso pa sa katabi nito na si Layno.
Agad namang naitakbo ang dalawa sa pagamutan subalit idineklarang dead-on-arrival si Musa.
- Latest