Bangkay itinapon sa irigasyon negosyante pinatay, dalang P3.5 milyon cash tinangay
LLANERA, Nueva Ecija, Philippines — Karumal-dumal ang sinapit ng isang 66-anyos na negosyante matapos barilin at pagnakawan ng P3.5 milyon ng ‘di kilalang mga salarin na posibleng katransaksyon nito saka itinapon ang kanyang bangkay sa irigasyon sa Barangay Sta. Barbara ng bayang ito, noong Sabado ng umaga..
Kinilala ang biktima na si Paquito “Boyet” Santiago de Guzman, tubong San Vicente, Laur, NE, at naninirahan sa Iba, Zambales sa naturang lugar.
Ayon sa ulat ng Llanera Police, alas-7:10 ng umaga nang matagpuan ang walang saplot na katawan ng biktima habang palutang-lutang sa nasabing lugar.
Nabataid na nitong Hulyo 28 sa pagitan ng alas-2 hanggang alas-4 ng hapon nang huling makitang buhay ang biktima sa 7-11 store sa Bongabon, NE, kasama ang tatlong hindi pa nakikilalang babae at dalawang lalaki, na posible umanong mga suspek sa pagpatay sa biktima.
Napag-alaman na may dalang P3.5-milyong cash ang biktima na pambili umano ng dump truck nang umalis siya sa kanilang tahanan sa Laur noong Huwebes, sakay ng kaniyang kulay orange na Nissan Navarra Calibre pickup, na may plakang NCM 2814.
Mula noon ay hindi na nakabalik ang biktima sa kanilang bahay at hindi na rin siya umano makontak sa cellphone.
Alas-6:45 ng gabi noong Sabado nang ipaabot sa pamilya ng biktima na natuklasang abandonado sa Sta. Maria, Pangasinan ang nawawalang pickup nito.
Nabatid sa Pangasinan Provincial Police, sa loob ng sasakyan ay may mga patak ng dugo habang kalat-kalat ang mga papeles dito at nakita ang bag ng biktima na walang laman na umano’y doon nakalagay ang P3.5-milyong cash.
Lumabas naman sa autopsy report na nagtamo ng isang tama ng bala sa ulo matapos na barilin sa loob ng sasakyan nito na naging sanhi ng kanyang agarang kamatayan.
Matapos na mapatay, itinapon ng mga suspek ang biktima sa irigasyon upang maitago ang nasabing krimen.
- Latest