Tatay ng suspek sa Ateneo shooting binaril sa Basilan, patay
MANILA, Philippines (Updated 1:22 p.m.) — Binawian ang buhay ng ama ni Chao-Tiao Yumol, suspek sa pamamaril sa Ateneo nitong Linggo, matapos tambangan ng ilang suspek sa Mindanao.
Ayon sa ulat ng News5, Biyernes nang paputukan ng mga suspek si Rolando Yumol sa harap ng kanilang bahay sa Brgy. Maganda, Lamitan City, Basilan. Sinasabing nakasakay sa motorsiklo ang mga salarin.
Binaril ang ama ng Ateneo shooter na si Chao Tiao Yumol sa harap ng kaniyang tahanan sa Brgy. Maganda, Lamitan City, Basilan | via @jcdongon pic.twitter.com/XLWML5ZTpI
— News5 (@News5PH) July 28, 2022
“Our police personnel in Lamitan City is already conducting an investigation regarding the case," ani Police Brig. Gen. Roderick Alba, Philippine National Police public information officer sa isang mensahe sa mga reporter.
"So far, it is speculative to assume its direct relation to the shooting incident that happened last Sunday at the Ateneo de Manila University."
Ayon sa Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region, dalawa ang suspek na nagsagawa ng krimen. Sinasabing miyembro ng Philippine Constabulary ang nakatatandang Yumol.
Ayon sa ulat ng GMA News, nagtamo ng apat na tama ng bala si Rolando sa iba't ibang bahagi ng katawan bago mamatay. Gumugulong na ang imbestigasyon sa ngayon.
Ika-24 lang ng Hulyo nang mahuli si Chao-Tiao Yumol sa Ateneo de Manila University matapos ang nangyaring pamamaril na ikinamatay ni dating Lamitan City Mayor Rosita Furigay, executive assistant na si Victor George Capistrano at gwardya na si Jeneven Bandiola.
'Haka-haka hindi nakakatulong'
Nanawagan naman si Basilan Rep. Mujiv Hataman sa lahat na maging mahinahon at mapagmatyag sa mga nais magsamantala sa insidente sa tangkang "ilihis" ang paghahanap ng katarungan para sa lahat.
"Huwag nating husgahan, silaban o gatungan ang mga nag-aalab na damdamin ng bawat pamilyang nagdadalamhati sa mga nangyari," wika ni Hataman sa isang pahayag na inilabas sa ABS-CBN News.
"Ang mga haka-haka o akusasyong walang basehan ay hindi makakatulong, at maaaring maging mitsa pa ng karagdagang karahasan."
"Nakikiramay kami sa pamilya ni Rolando Yumol at nananawagan kami sa mga otoridad na imbestigahan at papanagutin ang mga responsable sa pagpatay na ito."
Dagdag pa niya, walang saysay ang pagkitil ng buhay lalo na kung nais ng lahat na umunlad at kumawala sa imahe ng kaguluhan ng Basilan.
Dapat din daw ay hindi maging normal ang pagpatay sa kulturang Pilipino lalo na't may mga nadadamay na mga inosenteng mamamayan.
"Nagsisimula pa lamang tayong bumagon mula sa pandemya na nagpadapa sa ating ekonomiya at kabuhayan," sabi pa niya sa isang pahayag.
"Kailangan nating magsumikap na mapanatili ang kapayapaan para sa kapakanan ng ating lalawigan." — may mga ulat mula kina Franco Luna, The STAR/John Unson, Roel Pareño at News5
- Latest