Malaysian dinukot sa Pasay, na-rescue sa Cavite
CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Matagumpay na nasagip ng pulisya ang isang Malaysian national na dinukot ng apat na lalaki kabilang ang tatlo umanong Chinese sa Pasay City sa isinagawang rescue operations sa Cavite noong Linggo ng umaga.
Kinilala ni Lt. Col. Norman Rañon, City police chief, ang biktima na si Cheong Hock Nian, Malaysian citizen at empleyado ng isang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) firm.
Ayon kay Rañon, si Nian ay natagpuan at na-rescue ng police tracker team sa loob ng comfort room (CR) ng isang paupahang apartment ng Sola Villas Garden habang nakaposas ang parehong kamay at mga paa nito sa may Tagaytay-Calamba Highway sa Brgy. Sungay East noong Linggo dakong alas-10 ng umaga.
Agad na tinanggalan ng mga posas sa kamay at paa ang biktima at dinala sa Ospital ng Tagaytay para malapatan ng lunas.
Lumalabas sa imbestigasyon na dinukot ang naturang Malaysian ng tatlong Tsino at isang Pinoy sa isang malaking casino sa Pasay City noong Sabado ng gabi at puwersahang isinakay umano sa isang itim na van saka dinala sa Tagaytay City.
Sinabi ni Rañon na humingi ang mga kidnaper sa biktima ng halagang P500,000 bilang ransom money habang nakikipagnegosasyon siya sa loob ng behikulo kapalit ng kanyang kalayaan.
“Nian was able to manage to seek help from a resident who was passing-by at the area when two of his abductors were sleep, Prompted, a resident immediately reported at the station,” pahayag ni Rañon.
Hiniling ni Rañon na huwag munang pangalanan ang tatlong Chinese at kasabwat na Pinoy dahil sa isinasagawa pang police operation.
Aniya, tinitingnan na nila ang koneksyon sa sugal at sindikato sa loob ng nasabing casino na motibo ng pagdukot sa biktima.
- Latest