Terorista todas sa engkuwentro
M’LANG,Cotabato, Philippines — Isang terorista na miyembro ng Dawlah Islamiyah Maguindanao Group ang nasawi habang nadakip ang kasama nito sa isinagawang operasyon ng militar at pulisya na nauwi sa sagupaan kamakalawa sa lalawigang ito.
Kinilala ang namatay na suspek na si Monir Lintukan habang nadakip si Randy Saro, alyas Bobong, kapwa kasapi ng DI-Maguindanao Group.
Ayon kay 602nd Brigade Commander Colonel Jovencio Gonzales, naganap ang bakbakan sa Purok 7 Barangay Dungguan, M’lang Cotabato.
Sinabi ni Gonzales, naglatag sila ng Focused military operation at Joint law enforcement support operation katuwang ang grupo ng 90th Infantry Battalion, 34th IB,Ist Scout Ranger Battalion,4 JSOU at PRO-12 laban sa mga terorista sa naturang lugar.
Nasa bungad pa lamang ng naturang lugar ang tropa ng pamahalaan nang sila ay salubungin ng mga putok ng baril ng teroristang grupo.
Nauwi sa barilan ang operasyon na tumagal ng higit 30-minuto bakbakan sa pangunguna ng teroristang grupo ni Almobin Carmen Sebod alyas Polok ng DI-Maguindanao Group at Omal Kamsa ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).
Tinamaan si Lintukan at duguang bumulagta kaya mabilis na nagpulasan patakas ang mga kasama nito papasok ng Liguasan Delta Maguindanao, subalit nahuli si Saro.
Nakuha sa pinangyarihan ng engkuwentro ang isang M16 Armalite rifle, bandolier, mga bala, magasin at isang Improvised Explosive Device (IED).
- Latest