Senglot nag-amok: Mister pinagtataga
MINALABAC, Camarines Sur, Philippines — Kahindik-hindik na kamatayan ang sinapit ng isang 34-anyos na lalaki matapos pagtatagain sa ulo at katawan ng isang lasing na magsasaka sa Zone-7, Brgy. Salingogon ng bayang ito kamakalawa ng gabi.
Malalalim na taga sa ulo at saksak sa katawan ang agarang ikinasawi ng biktimang si Ramon Parone Sy, may-asawa ng Brgy. San Juan-San Lorenzo Poblacion, Minalabac habang tinutugis na ng mga pulis ang suspek na nakilalang si Mardie Basagre Belgica, 26-anyos, residente rin sa naturang barangay.
Sa ulat, dakong alas-7 ng gabi matapos malasing sa inuman ang suspek ay nagwala ito dala ang mahabang itak.
Sa hindi malamang dahilan ay bigla nitong tinaga sa ulo at sinaksak sa dibdib ang biktima. Nang duguang humandusay ang biktima, mabilis na tumakas ang suspek paakyat sa bulubunduking lugar ng barangay.
Narekober ng mga rumespondeng pulis ang duguang dalawang talampakang haba ng itak na ginamit ng suspek sa pamamaslang.
- Latest