Poll watchers na sinaktan ng mga sundalo, lumantad
Sa agawan ng balota sa Lanao del Sur
MANILA, Philippines — Tuluyan nang lumantad kahapon ang mga poll watchers ng Lumbatan, Lanao del Sur na sinasabing nasaktan sa naganap na agawan ng balota sa pagitan nila at ng mga tauhan ng 103rd Infantry Brigade, noong May 9 elections.
Ang mga poll watchers na kinilalang sina Aliah Macabangkit, Sharon Umpara, Jahanisa Umpara, Jalpha Umpara, Rajib Mua at Mohammad Omar kasama si Atty. Bayan Lao ay humarap sa media sa isang pulong balitaan na isinagawa kahapon sa Quezon City.
Iprinisinta ng anim na poll watchers ang video kung saan makikita ang diumano’y pang-aagaw ng balota ng mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP), gayundin ang pagpapaputok ng baril, at maging ang ilang beses na pagdunggol ng sasakyan sa lalaking pumipigil na huwag makuha ang balota.
Iprinisinta rin ng mga poll watchers nang makakuha ng “zero vote” ang mayoralty candidate na si Lominog Lao Jr. sa mismong presinto niya kung saan siya at ang kanilang pamilya ay bumoboto.
Kaugnay nito, maghahain ang kampo ni Lao Jr., sa pamamagitan ni Atty. Lao, sa Commission on Elections (Comelec) ng “petition for the annulment of election result” o “failure of election” sa anim na apektadong barangay. Layunin nitong mapawalang-saysay ang resulta ng halalan sa anim na barangay na kinabibilangan ng Pikutahan, Minunya, Tambac, Lunay, Ligue, at Magdata.
Matatandaan na nagkatunggali sa pagka-alkalde ang magpinsan na sina incumbent Mayor Allan Lao at Lominog Lao Jr., sa bayan ng Lumbatan na mayroong 21 barangay at may 14,000 botante.
Noong Mayo 11, iprinoklama na sa kanyang tahanan ang incumbent mayor na si Allan Lao bilang siyang nanalong alkalde ng lugar.
Nabatid na kinukuwestyon din nila ang pagpayag ng Comelec na patakbuhin ang anak ni Mayor Allan Lao na si Aljayeed sa pagka-bise alkalde kahit na 19-anyos pa lamang ito.
- Latest