3 kasapi ng BPAT todas sa gun attack
Karahasan sa araw ng halalan
MANILA, Philippines — Patay ang tatlong miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT) nang pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang suspek habang nakabantay sila sa ginaganap na halalan kahapon ng umaga sa harap ng isang paaralan sa Buluan, Maguindanao.
Nakilala ang mga nasawi na sina Misuary Dimapalao, Sajid Kamama, at Tata Bulilo, habang sugatan naman ang kanilang kasamahan na si Jadid Ulangkaya.
Sa inisyal na ulat na nakarating ng 16th Military Intelligence Company, naganap ang insidente bandang alas-7:25 nang umaga nang paulanan ng bala ng mga sakay ng dalawang puting van ang mga biktima na naka-duty sa Pilot Elementary School.
Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang mga suspek.
Sinasabing ang mga biktima ay taga-suporta ni Mayoral aspirant Babydats Mangudadatu ng Buluan, Maguindanao.
Kabilang ang Buluan, Maguindanao sa 24 bayan na nasa ilalim ng Comelec control dahil na rin sa mga banta sa seguridad.
Tiniyak naman ng militar na nakaalerto sila sa anumang untowards incidents sa panahon ng bilangan ng mga boto.
- Latest