‘Party-list system hindi dapat abusuhin’ – Ang Probinsyano Party-list
MANILA, Philippines — Inihayag kahapon ng Number 50, Ang Probinsyano Party-list na hindi kailanman dapat abusuhin ang “party-list system” sa gitna ng komento ng Malakanyang na maraming mga party-list congressmen ang komunista o kontrolado kung hindi man sila mismo ang mga bilyonaryo.
Sa panayam sa One Balita Pilipinas at Kapihan sa Manila Bay, sinabi ni Number 50, Ang Probinsyano Party-List Rep. Alfred Delos Santos na dapat ay totoong kinakatawan ng mga partylist groups ang interes ng mga marginalized sectors.
“Hindi po dapat gamiting entry point ng mga nagnanais makakuha ng puwesto sa Kongreso ang ating party-list system, at lalong hindi rin dapat ito gamitin ng mga taong umano’y sumusuporta sa mga komunista na naglalayong patalsikin ang gobyerno,” ayon kay Delos Santos.
Binigyang-diin ng mambabatas na mahalaga ang papel na ginagampanan ng party-list groups sa political system ng bansa dahil sila ang boses ng mga nasa laylayan o ng mga sektor na hindi napapansin.
“Batid po namin ang ilang ulat na mayroong pagdududa sa ilang party-list groups ngunit sa parte po namin, masasabi kong isa kami sa pinaka-aktibong miyembro ng Kongreso na masigasig na nagsusulong ng mga programang magpapabuti sa kalagayan ng mga marginalized sectors na aming kinakatawan,” ayon kay Delos Santos.
Ang No. 50 Ang Probinsyano Party-list na nagsusulong ng patas na oportunidad para sa lahat ng probinsyano ay nangakong ipagpapatuloy ang pagbalangkas ng mga panukalang batas na naglalayong mabigyan ng edukasyon, trabaho, pagkain at kalusugan ang mga tao sa mga kanayunan.
“Ako po ay lumaki at nag-aral sa probinsya. Nakita ko mismo ang hindi pantay na oportunidad para sa mga probinsyano. Kaya alam ko po kung ano ang ipinaglalaban ko, alam ko kung anong mga batas ang dapat naming buuin upang maiangat ang buhay ng mga kapwa ko probinsyano,” dagdag pa ni Delos Santos.
Tinukoy na ehemplo ng mambabatas ang pagturo sa mga magsasaka ng paggamit ng teknolohiya upang maparami ang kanilang ani at makasabay sa kompetisyon.
- Latest