Eleazar nilibot ang Iloilo, umani ng suporta
MANILA, Philippines — Mainit na tinanggap ng mga lokal na opisyal at residente ng Iloilo si senatorial candidate at dating former PNP chief Gen. Guillermo Lorenzo Eleazar nang magsagawa ng tatlong-araw na pangangampanya sa lalawigan.
Binisita ni Eleazar ang mga palengke at dumalo sa multi-sectoral assembly sa bayan ng Leon na pinamunuan ni Mayor Ma. Lina Cabana Holipas at iba pang local officials. Nakipagkita rin siya sa mga local official ng Oton na pinamumunuan ni Mayor Carina Flores, Santa Barbara na pinamumunuan ni Mayor Rema Somo, at Pavia na pinamumunuan ni Mayor Laurence Anthony Gorriceta.
Nakipagpulong din si Eleazar kay Iloilo City Mayor Jerry Treñas na nagpahayag ng suporta sa dating PNP chief. Nagpaskil pa si Trenas sa kanyang Facebook page ng mensaheng nagpapaalam sa mga nasasakupan sa pagbisita ni Eleazar.
Bukod sa Iloilo City, nag-motorcade si Eleazar sa mga bayan ng Leon, Tigbauan, Oton, San Miguel, Santa Barbara, at Pavia.
Sa multi-sectoral assembly sa Leon, sinariwa ni Eleazar ang mga repormang ipinatupad nito sa Philippine National Police kabilang ang QR Code System sa recruitment na bumuwag sa korapsyong dulot ng “palakasan” o “padrino” system; pagwasak sa mga “kubol” o private quarters na naging simbolo ng special treatment sa mayayaman at makapangyarihang preso sa New Bilibid Prison; at ang Intensified Cleanliness Policy.
Kapag pinalad na mahalal sa Senado, balak ni Eleazar na palakasin at gawing independent ang PNP Internal Affairs Service na siyang lumalaban sa mga abusadong pulis; bigyan ng dagdag na pondo ang PNP para mapalakas pa ang mga kakayanan at mabili ang kulang pang body-worn cameras; palakasin ang Anti-Cybercrime Group; at ikalat sa iba pang sangay ng pamahalaan ang QR Code System para labanan ang korapsyon.
- Latest