‘Mobile Legends’ nauwi sa barilan: Pulis, 2 pa sugatan
11 sangkot, timbog sa hot pursuit ops
COTABATO CITY, Philippines — Isang police major at dalawang residente ang malubhang nasugatan habang 11 katao pa ang inaresto matapos ang insidente ng pamamaril dahil lamang sa away ng dalawang grupo sa kanilang pusta na P15,000 sa kinababaliwang “Mobile Legends” (ML) online game, dito kahapon.
Kinilala ang mga sugatan na sina Hubert Concepcion at kaibigang si Fitzgerald Patagan na kapwa naka-confine sa ospital at nilalapatan ng lunas habang ang pulis na nagtamo rin ng gunshot wound ay si P/Major Elixon Bona ng Cotabato City Police Precinct 2, na nanguna sa mga nagresponde sa gun attack.
Sa ulat ng Cotabato Police, abala ang magkaibigan na sina Concepcion at Patagan sa paglalaro ng ML gamit ang kanilang smartphones sa harap ng bakuran ng inuupahang bahay sa Barangay Rosary Heights 9 nang biglang dumating ang isang grupo ng kalalakihan sakay ng mga motorsiklo at agad silang pinaputukan ng .45 caliber pistols sanhi upang seryosong masugatan ang dalawa.
Ayon sa mga kapitbahay, ang mga umatake ay mula umano sa isang grupo na kalaban ng dalawang biktima para sa P15,000 bet ng ML game.
Sinabi rin sa mga reporters ng isang source na ayaw magpabanggit ng pangalan na ang mga suspek ay dinaya umano sa pusta at laro na nag-ugat ng alitan at gun attack ng dalawang magkalabang grupo.
Agad naman rumesponde ang mga pulis na pinangunahan ni Major Bona at hinabol ang mga tumatakas na suspek subalit maging sila ay pinagbabaril ng isang nakaposisyon sa kalapit na Barangay Rosary Heights 7 hanggang sa mauwi sa palitan ng putok at tinamaan ng bala ang nasabing opisyal.
Hindi tumigil sa pagtugis ang mga pulis hanggang sa makorner nila sa bisinidad ang 11 na lalaki na hinihinalang mga kasamahan ng mga suspek na umatake kina Concepcion at Patagan.
Ang coffee shop na pinangyarihan ng palitan ng putok kung saan nasugatan si Major Bona ay nasira matapos tamaan ng mga ligaw na bala.
- Latest