Tone-toneladang ‘medical waste’ ng ospital sa Quezon, inirereklamo
MANILA, Philippines — Nanawagan ang mga residente sa lalawigan ng Quezon kay Governor Danilo Suarez at ibang local na opisyales ng Lucena City na agad aksyunan ang kanilang reklamo kaugnay sa nakakasulasok at masangsang na tone-toneladang “medical waste” ng isang opsital na mula sa mga pasyente ng COVID-19 na pinangangambahang magiging dahilan pa ng kanilang pagkakasakit.
Ayon sa mga residente, ang tambak-tambak na medical waste ay mula sa likurang bahagi ng Quezon Medical Center.
Ipinaabot na ang reklamo sa management ng ospital na pinamumunuan ni Dr. Rolando Padre subalit wala pang ginagawang aksyon dito.
Nabatid na maging ang mga motorista na dumaraan sa naturang lugar ay dumaraing na sa masangsang na amoy mula sa gabundok na basura.
Maging ang mga madre sa Mt. Carmel Diocesan General Hospital na malapit lamang sa lokasyon ng QMC ay nagrereklamo sa mabahong amoy ng nasabing gabundok na medical waste.
Nabatid na ang kumpanyang Enviro Care Services ang humahawak umano sa koleksyon at pagtatapon ng mga basura ng QMC. Matagal nang hindi nahahakot sa hindi malamang kadahilanan ang mga nakatambak na basura kabilang ang mga pathological wastes sa loob at labas ng hazardous waste storage facility ng ospital.
Ang QMC ay pinatatakbo ng provincial government na nasa ilalim umano ng kontrol at superbisyon ni Suarez.
“Alam po namin na ang atensyon ni Gov. Suarez ay matagal nang naka-focus sa pulitika dahil patuloy ang pag-angat ng kanyang katunggali. Pero kami ay nakikiusap sa kanya na lapatan naman niya ng mabilisang aksyon ang problema naming ito,” wika ng residente.
Magugunita na noong Setyembre 2021, inireklamo rin ang QMC dahil sa mga bangkay ng mga pasyenteng nasawi sa COVID-19 na hindi nahahakot sa kanilang morgue.
- Latest