Lady trader, patay sa ambush sa Rizal
MANILA, Philippines — Isang babaeng negosyante ang patay nang tambangan at pagbabarilin ng dalawang ‘di kilalang salarin habang sakay ng kanyang behikulo sa Rodriguez, Rizal kamakalawa.
Ang biktima ay nakilalang si Camille Camacho, nasa hustong gulang, habang tumakas ang dalawang armadong lalaki matapos ang isinagawang pagpatay.
Batay sa ulat ng Rodriguez Municipal Police, dakong alas-7:40 ng umaga nang maganap ang pananambang sa M. H. del Pilar St., Geronimo, Brgy. San Rafael ng nasabing bayan.
Minamaneho umano ng biktima ang isang Toyota Hilux, na may plakang MDC-8711, at binabagtas ang naturang lugar nang bigla na lang sumulpot ang dalawang suspek na magkaangkas sa motorsiklo.
Agad na pinaulanan ng bala ng mga salarin ang biktima na nagresulta sa kanyang agarang kamatayan saka sila tumakas sa hindi mabatid na direksyon.
Masusi nang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang krimen para sa agarang ikareresolba nito.
- Latest