Bus pinasabog: Pasahero dedo, 6 pa sugatan
MANILA, Philippines — Isa ang patay habang anim pang pasahero kabilang ang isang sanggol at tatlong menor-de-edad ang sugatan nang sumabog ang isang bomba na iniwan ng hindi pa nakikilang suspek sa loob ng pampasaherong bus kahapon ng umaga sa Aleosan, Cotabato.
Sa ulat, namatay habang nilalapatan ng lunas sa ospital ang isang pasahero na nakilalang si Benjamin Solaiman, 24-anyos.
Ginagamot naman sa iba’t ibang ospital sa Midsayap ang mga sugatang sina Masid Piang, 25; Rodolfo Castillo, 67; isang 17-anyos na binatilyo, mga batang nagkaka-edad ng 5 at 3, at isang 5-buwan gulang na sanggol.
Ayon kay Lt. Col. John Paul Baldomar, spokesman 6th Infantry Division, dakong alas-8:15 ng umaga nang maganap ang pagsabog sa Mindanao Star bus sa National Highwaý ng Purok Narra sa Brgy San Mateo, Aleosan, North Cotabato.
Sakay ng bus na may body number 15511 mula Davao ang nasa 20 mga pasahero patungong Cotabato City nang pagsapit sa nasabing lugar ay sumambulat ang bomba sa likurang bahagi ng bus.
Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek at anong uri ng bomba ang sumabog.
Sa kasalukuyan, wala pang grupo o indibiduwal na umaako sa naganap na pagsabog.
- Latest