Groom na operator ng ‘online sabong’ itinumba
Kahit patay na, kasal itinuloy ng nobya
MALOLOS CITY, Philippines — Isang master agent sa sikat na “online sabong” at nakatakda nang ikasal sa nobya ang napatay matapos barilin ng isang hindi pa nakikilalang salarin sa Brgy. Sumapang Matanda sa lungsod ng Bulacan noong Linggo ng hapon.
Sa ulat ni Lt. Col. Christopher Lean, Malolos City Police chief kay Col. Manuel Lukban, acting Bulacan provincial director, kinilala ang biktima na si Marco Luis Dayao, 29-anyos, binata at isang negosyante na nag-ooperate ng online sabong at naninirahan sa Happiness Pavillion, Brgy. Sumapang Matanda, Malolos City.
Base sa inisyal na imbestigasyon, dakong ala-1:30 ng hapon nang barilin ang biktima sa harap ng tinutuluyang apartment ng nag-iisang suspek na lulan ng pulang kotse.
Isang bala ng cal. 5.56 ang tumama sa kanang bahagi ng dibdib ng negosyante na siyang naging dahilan ng pagkamatay nito.
Batay sa nakuhang kopya ng closed-circuit television o CCTV footage sa kalapit na establisimyento ng pinangyarihan ng krimen, posibleng ang salarin ay lulan ng isang pulang Sedan na mabilis humaharurot mula sa parking area malapit sa inuupahang apartment ng biktima.
Dead-on-arrival ang biktima nang dalhin ito ng mga saksi sa Sacred Heart Hospital sa lungsod ng Malolos.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa motibo ng krimen upang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng biktima.
Sa kaugnay na balita, napalitan ng pangungulila ang dapat sanang masayang araw ni Gileen Gutierrez matapos mabalitaang pinatay ang kanyang groom na si Dayao ng hindi pa nakikilalang suspek.
Sa kabila nang pagkakabaril sa biktima, ipinilit ng nobya nito na si Gutierrez na matuloy ang kanilang kasal kung kaya’t naganap ang seremonya sa Father’s Cradle Memorial Chapel sa Siyudad ng Malolos kamakalawa ng hapon.
Ang kasal ng dalawa ay nakatakda sana sa Disyembre 19.
- Latest