Kandidatong bise alkalde sa Cavite pinatay ng kapitbahay
GEN. TRIAS CITY, Cavite, Philippines — Idineklarang dead on arrival ang isang lalaki na kandidatong bise alkalde sa isang bayan ng lalawigang ito matapos na pagbabarilin ng kapitbahay na kainuman sa isang bahay nito sa Lavanya Subdivision, Brgy. Bacao 2 ng lungsod na ito.
Kinilala ang nasawi na si Nolito Angeles Magallanes alias Vice Pogi, 54, may-asawa, residente ng Maragondon, Cavite na kasalukuyang kumakandidatong Vice Mayor sa bayang nabanggit.
Tumakas naman ang suspek na nakilalang si Robert Amoranto, nasa hustong gulang, residente din ng Lavanya Subdivision at security sa home owners association.
Sa imbestigasyon, bago naganap ang krimen, alas-6:30 ng gabi ay nag-iinuman ang biktima at suspek kasama ang iba pang mga kapitbahay nang magtalo ang dalawa sa parking space.
Naawat naman ang mga ito kung saan nagpasya nang umuwi ang biktima upang umiwas sa gulo.
Nang nasa bahay na ang biktima ay dumating ang suspek at muling kinompronta ang una na nauwing muli sa mainitang pagtatalo hanggang sa bumunot ng baril ang huli at pinagbabaril ito. Nang bumulagta ang biktima ay mabilis na tumakas ang suspek.
Lumalabas sa imbestigasyon na noong umaga nang araw na iyon ay nagkasagutan ang dalawa hinggil sa sasakyan ng biktima na nakaparada sa basketball ng subdivision na nakakasagabal.
- Latest