3 patay, 6 sugatan sa salpok ng oil tanker truck
MARIVELES, Bataan, Philippines — Tatlong katao ang nasawi habang anim ang nasugatan matapos na salpukin ng isang mini oil tanker truck ang dalawang tricycle at isang bahay sa Barangay Baseco, ng nasabing bayan, kamakalawa.
Sa ulat na nakarating kay Col. Jonnas Amparo, Deputy Regional Director for Operations, kinilala ang mga nasawi na sina Renne Lansangan, 56 at Retchen Atencio, 31, kapwa pasahero ng tricycle at residente ng Sitio Palao, Baseco; at Eduardo Santos, Jr., driver ng isa pang tricycle at residente ng Barangay Maligaya, Mariveles.
Kapwa dead-on-the-spot sina Lansangan at Santos habang si Atencio ay namatay habang nilalapatan ng lunas sa Maheseco Hospital.
Ang mga nasugatan ay kinilalang sina Cesar Villanueva, 59, tricycle driver ng Baseco; oil tanker na si Joel Bonzato, 46, ng Duale, Limay; Debina Jallorina, 44, vendor; Adrianne Jallorina, 6; Arlene Bela Ano, 32, house tenant at isang pang residente.
Batay sa ulat, alas-7:30 ng umaga nang bumulusok paibaba ang trak na minamaneho ni Bonzato, kaya’t nawalan umano ng kontrol sa manibela at sinalpok ang dalawang traysikel at pagkatapos ay ang isang bahay kung saan tumapon ang lamang gasolina.
Kaagad naman dumating sa lugar ang mga kagawad ng Bureau of Fire Protection - Mariveles para bombahin ng tubig ang tumapong gasolina.
- Latest