Mga sementeryo sa Nueva Ecija, 7-araw na sarado
MANILA, Philippines — Ipinag-utos ng Nueva Ecija Inter-Agency Task Force (NE-IATF) na pansamantalang isasara muna ang pampubliko at pribadong sementeryo, pati ang mga columbarium ng 7-araw mula October 29 hanggang November 4.
Inatasan din ng NE-IATF, na pinamumunuan ni Gov. Aurelio Umali, ang 32 local government unit na binubuo ng 27-bayan at 5 lungsod na ipatupad ang 30-percent maximum-venue-capacity sa mga lugar na dadalawin ng publiko ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay, bago o pagkatapos ng nasabing ipinagbabawal na petsa.
Ang utos ni Umali ay nakapaloob sa NE-IATF Resolution No. 7, na inaprubahan noong Agosto 1.
Nabanggit ng NE-IATF sa nasabing resolusyon na isang potential problem kung magkakaroon ng overcrowding sa paggunita ng Araw ng mga Santo at Araw ng mga Kaluluwa, samakatuwid umano, ang pangangailangan para sa pagpapalabas ng naturang utos ay upang magsilbi na isang hakbang sa pag-iingat upang mapigilan ang pagkalat at hawahan ng COVID-19 virus.
Kinakailangan ding sundin ng bawat magtutungo sa mga nabanggit na lugar ang minimum public health standards gaya ng pagsusuot ng face mask at physical distancing.
Iniulat na patuloy ang pagbaba ng aktibong kaso ng COVID-19 sa lalawigan na dating 2,469 kaso, na ngayon ay 2,254 habang ang mga nakarekober ay umabot na sa 22,354 as of October 13.
- Latest