3 katao, timbog sa illegal logging
Santiago City, Isabela, Philippines — Tatlong katao ang nadakip matapos maaktuhan sa pagbiyahe ng mga iligal na mga kahoy sa Barangay Pag-asa, Echague sa lalawigang ito, ayon sa ulat kahapon.
Batay sa report ng Echague PNP sa Police Regional Office 2 (PRO2) nakilala ang mga nadakip na suspek na sina Pedferlyn Salvador, 47; Gilbert Domingo, 37; at Jomar Adzuara, 25, pawang mga residente ng Barangay Villa Bello sa bayan ng Jones.
Ayon kay P/Lt. Col. Andree Abella, information chief ng PRO2, kasalukuyang nagpapatrulya ang mga kagawad ng Echague PNP nang maaktuhan ang isang 6x6 na sasakyan (BAF857) na puno ng mga nilagareng kahoy.
Agad na sinita ang mga suspek at napag-alaman na walang kaukulang dokumento ang mga kahoy matapos madiskubre na expired ang mga dalang permit at dokumento.
Nakuha ng mga otoridad ang 157 piraso ng mga nalagareng kahoy na umaabot sa 1,751 board feet at tinatayang nasa P70,000.00 ang halaga.
Agad naman na dinala sa himpilan ng pulisya ang mga nakumpiskang mga kahoy kabilang na ang tatlong mga suspek na nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa PD 705 o ang the Revised Forestry Code of the Philippines.
- Latest