Bomba sumabog sa covered court: 8 sugatan
MANILA, Philippines — Walo katao na naglalaro ng volleyball ang nasugatan nang sumabog ang isang improvised explosive device sa isang covered court sa bayan ng Datu Piang sa Maguindanao, kamakalawa.
Agad na dinala sa Abpi-Samama Clinic and Hospital ang mga sugatan na sina Norodin Musa, 21; Fahad Tato, 22; Samsudin kadtugan, 21; Benzar Macogay, 24; Amid Miparanun, 19; Carlo Mobpon, 25; Tukoy Abo, 13 at Mohamad Wanti, 29.
Ayon kay Lt. Col. John Paul Baldomar, tagapagsalita ng 6th Infantry Division ng Philippine Army, naganap ang pagsabog pasado alas-3:30 ng hapon sa mismong covered court ng munisipalidad kung saan naglalaro ng volleyball ang mga biktima. Ilan sa mga biktima ay miyembro ng LGBT.
Sinabi naman ni Datu Piang Mayor Victor Samama na nakakatanggap na ng pagbabanta ang grupo bago mangyari ang insidente mula sa mga radical group na umano’y galit sa mga “naglaladlad”.
Inutos naman ni Samama ang pagpapaigting ng seguridad sa lugar.
Hindi pa matukoy ng mga awtoridad ang grupo na responsable sa pagpapasabog. Ang Datu Piang ay madalas na inaatake ng ISIS-inspired Dawlah Islamiyah guerrillas na mahigpit na ipinatutupad ang kanilang religious teachings kaya galit sa LGBT.
Sa kabila nito, siniguro ni Baldomar na back to normal na ang seguridad sa nabanggit na bayan.
- Latest