Mag-asawang senior tiklo sa investment scam
SANTIAGO CITY, Isabela, Philippines — Sa kulungan ang bagsak ng mag-asawangg senior citizen na sangkot sa “investment scam” matapos madakma ng mga awtoridad sa ikinasang entrapment operation sa Barangay Annafunan, bayan ng Echague, lalawigang ito, kamakalawa.
Kinilala ng Echague Police ang nadakip na sina Ernesto Gumarang, 72, at misis na si Merlita, 60, nagpakilalang mga supervisor ng Interim National People’s Initiative Council (INPIC) at kapwa residente ng Purok 7, Barangay Gayong, Cordon sa lalawigang ito.
Nadakip ang mag-asawa ng pinagsanib na puwersa ng Echague Police at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na nakabase sa lungsod na ito bilang tugon sa reklamo ng walong katao na nabiktima umano ng mag-asawa.
Napag-alaman na humihingi ang mga suspek ng membership fee sa mga complainant na nagkakahalaga sa P400.00 kasabay ng pangako na kikita ang kanilang pera ng P30,000-P1,000,000 na kanilang matatanggap sa Disyembre 2021.
Nakuha sa mga suspek ang gamit na mga cellphone, P3,500 cash, mga pirmadong certificates at blank certificates, 17 certificate of entitlement, 12 filled up Interim Appointment Orders, 12 blank Interim Appointment Orders; 52 blank NPIC-NPICC third edition forms para sa New Philippines; isang handbag, stamp pad, stapler at ballpen.
Nabigo rin na magpakita ng kahit anong dokumento ang mga suspek tulad ng Securities and Exchange Commission (SEC) para sa legalidad ng kanilang operasyon o negosyo.
- Latest