14-anyos nasapol ng elisi ng bangka, patay!
PEREZ, Quezon, Philippines — Nauwi sa trahedya ang masayang outing ng tatlong magkakaibigan makaraang mamatay sa tama ng elisi ng motorized banca ang isa sa kanila na 14-anyos na lalaki sa Brgy. Bagong Silang ng bayang ito kamakalawa ng hapon.
Hindi na naisalba ng mga manggagamot sa Alabat Island District Hospital dahil sa tinamong grabeng pinsala sa ulo at katawan ang biktimang si Ronnel Pelin, estudyante at residente ng Barangay Pagkakaisa.
Batay sa ulat ng pulisya, sakay ng motorized banca na may tatak na “Gemma” ang biktima at dalawang kaibigan matapos na mag-picnic at patungo na sa pampang dakong alas-3:30 ng hapon.
Habang nasa karagatang sakop ng Brgy. Bagong Silang ay biglang nawalan ng panimbang sa pagkakaupo ang biktima at tuluyang nahulog sa tubig.
Hindi naman nagawang iiwas ng operator ng bangka na si Jomar Rodelas ang kanilang sinasakyan at aksidenteng tinamaàn ng elisi ang binatilyong biktima. Nagtulung-tulong silang iahon ang biktima sa tubig at mabilis na dinala sa ospital pero makalipas ang ilang sandali ay idineklarang patay ng mga manggagamot.
- Latest