Shabu tinangkang ipasok sa isolation facility, adik na ama tiklo
ANGELES CITY, Philippines — Arestado ang isang mister na kasalukuyang naka-quarantine kasama ang kanyang pamilya matapos umano nitong tangkaing ilusot papasok sa isolation facility ang pinabiling hinihinalang shabu sa loob ng City Colleges of Angeles sa Arayat Boulevard, Barangay Pampang, dito, kamakalawa ng gabi.
Sa ulat sa tanggapan ni Police Station 2 commander P/Major Marlon Ventus, kinilala ang suspek na si Glenn Cunanan 43, Brgy. Pandan sa lungsod.
Lumalabas na pasado alas-11:20 ng gabi, inutusan umano ng suspek ang nakatalagang guwardya ng City Security Unit sa quarantine facility na iabot ang P500 nito sa isang Erwin na nag-aantay sa baba ng gusali kapalit ng isang plastic bag na naglalaman ng isang short pants.
Nang makuha ang nasabing plastic bag ay isinailalim ito sa inspeksyon bago ibigay sa nag-aantay na mister. Gayunman, nang buksan ng security officer ang nasabing padala ay laking gulat nito nang tumambad sa kanya ang isang pakete ng sigarilyo na may nakasilid na shabu.
Agad na ipinagbigay-alam ang insidente sa pulisya sanhi ng pagkakaaresto ng nasabing COVID suspect.
Nasamsam dito ang 0.1 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P680, isang pilas ng aluminum foil at short pants na pinaglagyan nito na nakasilid sa isang transparent plastic bag.
Lumabas kalaunan na negatibo sa COVID-19 matapos ang swab ng suspek subalit nagpositibo naman siya na gumagamit ng ipinagbabawal na gamot, base sa inilabas na resulta ng PNP Crime Laboratory.
- Latest