Vulcanizing shop ginawang drug den: 11 timbog
CAVITE, Philippines — Labing-isa katao kabilang ang isang negosyante ang dinakma matapos mahulihan ng ilegal na droga sa loob ng isang vulcanizing shop na ginawa umanong drug den sa isinagawang pagsalakay ng mga awtoridad kamakalawa sa Brgy. Salawag, Dasmariñas City.
Nakilala ang mga nadakip kabilang ang mismong may-ari ng nasabing vulcanizing shop na si Alberto Bendal, 34-anyos na siyang target ng operasyon, kasama sina Jomel Saramines, 21; Domingo Saramines Jr., 49, security guard; Mark Joseph Lopez, 25; Roderick Villa, 44; kapwa installer ng isang telecom company; Manuel Conde 48, trabahador ng nasabing shop; Salvador Crucis, 41, empleyado rin ng shop; Judith Mallillin Montanes, 46, kasambahay; Edrick Pante, 28, technician; Julius de Castro, mekaniko at Jerico Umambi, 18.
Sa ulat, nakatanggap ng tip ang pulisya na may nagaganap umanong bilihan ng droga sa isang vulcanizing shop at matapos na i-surveillance ay agad na ikinasa ang buy-bust operation ng pinagsanib na puwersa ng Phl Drug Enforcement Agency (PDEA)-Cavite at Dasmariñas City Police dakong alas-3:20 ng hapon sa kahabaan ng Molino-Paliparan Rd., Brgy. Salawag.
Nang magpositibo ang bilihan ng droga, dito na pinagdadampot ang lahat ng nasa loob ng shop at ang iba ay naaktuhan pa umanong nagsasagawa ng shabu session.
Narekober sa operasyon ang mahigit 15 gramo ng shabu na nasa P150,000 ang halaga, mga drug paraphernalia at isang cal. 22 pistol.
- Latest