P1.75 milyong shabu nasamsam 3 dayong ‘tulak’ mula Metro Manila, todas sa buy-bust
OAS, Albay , Philippines — Patay ang tatlong notoryus na tulak ng droga na dumayo pa matapos manlaban sa buy-bust operation sa Purok-4, Brgy. Busac ng bayang ito kahapon ng hapon.
Kinilala ang mga napatay sa operasyon na sina Ramon “Omar” Mutuc, 44-anyos, miyembro ng “Bahala na Gang”; Jose Maria Arvin Samson Bautista, 28, at Gregorio Mañebo Garcia Jr., 42, pawang residente ng Malinta, Valenzuela City.
Sa ulat,dakong alas-12:45 ng hapon mula Metro Manila sakay ng Suzuki Ertiga dumayo upang magtulak ng droga sina Mutuc, Bautista at Garcia sa Albay.
Gayunman, habang ginagawa ang transaksyon ay nakahalata ang mga suspek na pulis ang kanilang kaharap kaya bumunot sila ng baril at pinutukan ang poseur buyer na masuwerteng hindi tinamaan.
Agad nagsilabasan ang mga nakakubling operatiba mula sa Oas Police Station, Polangui Police Station, Regional Intelligence Division-Regional Special Operation Unit-5, Regional Mobile Force Battalion 5, Provincial Mobile Force Company at 93rd Special Action Company ng Special Action Force at pinutukan ang mga suspek na lahat duguang bumulagta.
Sinubukang isugod ang tatlong suspek sa Josefina Belmonte Duran Memorial District Hospital sa Ligao City pero hindi na umabot nang buhay.
Nakuha mula sa tatlo ang apat na bulto ng shabu na tumitimbang ng 350 gramo at nagkakahalaga ng P1.75 milyon, isang kalibre 45 at dalawang kalibre 38 na baril.
- Latest