Trike driver pisak sa truck, misis sugatan
TIAONG, QUEZON, Philippines — Namatay noon din ang isang tricycle driver nang mapisak ang kanyang ulo habang malubhang nasugatan ang kanyang pasaherong misis makaraan silang banggain ng pickup truck sa Maharlika Highway, Barangay Lagalag ng bayang ito kamakalawa ng umaga.
Batay sa ulat ni P/Lt. Col. Dennis De Leon, chief of police dito, nakilala ang biktima na si Policarpio Bigyan, 64, may asawa ng Barangay Talisay, Tiaong habang ginagamot sa Liwag District Hospital dahil sa mga sugat sa ulo at katawan ang kanyang miss na si Fidela Monet, 49.
Sa imbestigasyon, alas-6:15 ng umaga habang papunta sa kabayanan ang tricycle ni Bigyan nang banggain ito sa hulihan ng sumusunod na Toyota Hilux pickup na minamaneho ni Keith Denver Biscocho, 23, may asawa ng Sariaya, Quezon.
Dahil sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ang tricycle sa tindahan sa gilid ng kalye na pagmamay-ari ni Marietta Sarmiento. Naipit ang ulo at katawan ni Bigyan sanhi ng kanyang dagliang kamatayan.
Nasa kustodya na ng pulisya ang driver ng pickup at nahaharap sa mga kaukulang kaso.
- Latest