Negosyanteng seaman itinumba ng tandem
MANILA, Philippines — Patay ang isang negosyanteng seaman makaraang pagbabarilin ng riding-in-tandem sa harapan ng isang eatery na pag-aari ng una sa Brgy, Caalinbangbangan, Cabanatuan City, Nueva Ecija nitong Biyernes ng gabi.
Kinilala ang biktima na si Rey Laya, 42 anyos, may asawa, tubong San Antonio, Quezon at residente sa lugar.
Ang biktima ay nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan na siyang agarang kumitil sa buhay nito.
Sa ulat ng Cabanatuan City Police, naitala ang krimen sa harapan ng Eatery na pag-aari ng biktima na matatagpuan sa No. 126 , Felipe Vergara Highway, Sitio Pulo, Brgy. Caalibangbangan ng lungsod na ito dakong alas-10:50 ng gabi.
Sa pahayag ng mga testigo, kasalukuyang nakaupo sa harapan ng kaniyang pag-aaring eatery ang biktima sa lugar nang biglang sumulpot ang isang kulay itim na Honda Wave motorcycle na sinasakyan ng mga suspect.
Agad na bumaba ang backrider na nakasuot ng kulay itim na hoodie jacket, naka-face mask ng kulay asul, kulay abong short at saka walang sabi-sabing pinagbabaril nang malapitan ang biktima na duguang bumulagta.
Ilang sandali pa ay mabilis na nagsitakas ang mga salarin lulan ng motorsiklo patungo sa direksyon ng Brgy. Cinco Cinco ng lungsod na ito.
- Latest