Post office Notification cards ipinatigil, ‘undelivered parcels’ naresolba
MANILA, Philippines — Inanunsyo ng Philippine Postal Corporation (PHLPost) ang pagpapatigil sa matanda at matagal nang gawain na pag-iisyu ng “notification cards” na siyang nagpapabagal sa proseso ng paghahatid ng sulat o parsela.
“Kapag dumating na ang parsela sa kanilang tanggapan at naiproseso na, wala nang dahilan upang ito ay magtagal pa sa Post Office. Hindi na kailangang antayin pa ang “Notification Cards”, at ito ay kaagad na ihahatid ng kanilang tanggapan via door to door,” ayon sa Postal Service.
Kamakailan lamang ay naihatid na ng postal service ang mga “undelivered parcels” sa Metro Manila, Bulacan, Rizal, Cavite, Palawan at Batanes. Humigit kumulang 214,730 na “undelivered mails” ang naihatid ng PHLPost Area 3 simula March 23.
Ayon kay Postmaster General Norman “Postman” Fulgencio, katumbas nito ang bilang ng mga taong sana ay pupunta o magpipick-up ng kanilang parsela sa post office. Sa pamamagitan ng “door to door delivery” magiging maginhawa at ligtas para sa publiko ang ganitong sistema na kanila ring ipatutupad sa buong bansa sa mga darating na araw.
Nagpasalamat ang Postmaster General sa mga kawani at opisyal ng post office sa kanilang pakikiisa sa kanyang proyekto at sa mga darating pa, upang mapabilis ang sistema ng serbisyo ng koreo sa bansa.
- Latest