224 miyembro ng Bayan Muna, Kadamay sa Bulacan, binawi ang suporta sa CPP-NPA
MANILA, Philippines — May 224 miyembro ng grupong Bayan Muna at Kalipunan na Damayang Panlipunan (Kadamay) ang kumalas na sa kanilang grupo, kasabay ng pagbawi ng suporta sa CPP-NPA.
Inihayag ng mga miyembro ang kanilang pagkalas sa isang seremonya na pinangunahan ni P/Gen. Valeriano De Leon, Director ng PNP Region 3, SJDM Mayor Arthur Robes, Bulacan Provincial Director P/Col. Lawrence Dalipe at iba pa.
Kabilang sa mga bumawi ng suporta ang isang armadong kasapi ng New People’s Army, apat na miyembro ng National Democratic Front, tatlong organizers at isang lider ng mga kabataan.
Ang inisyatiba ay pinangunahan ni P/Lt. Col. Fitz Macariola, Acting Force Commander of Region 3 PNP sa ilalim ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na naglalayong wakasan ang dekada ng armadong pag-aalsa sa pamamagitan ng tinaguriang Whole of Nation approach.
Sinabi ni Bayan Muna organizer na itinago sa alyas “Ka Jenny” na sinuportahan nila ang komunistang grupo dahil sa pangako ng libreng pabahay at edukasyon sa kanilang mga anak, kapalit ng suportang pinansiyal at iba pa sa organisasyon.
Gayunman, nabigo ang lahat ng pangako at wala rin silang nakuhang suporta sa grupo sa panahon ng kanilang pangangailangan.
Sinabi naman ni Major Carl Sanchez, Commander ng 301st brigade na 95 porsiyento ng mga bumawi ng suporta sa makakaliwang grupo ay pawang mga naninirahan sa Pabahay 2000 sa SJDM. Ang grupo ang ilegal na umokupa sa pabahay ng pamahalaan noong 2013 at sa proyektong pabahay ng NHA na wala pang naninirahan sa Pandi, Bulacan noong Marso, 2017.
Sinabi naman ni Mayor Arturo Robes na magiging katuwang niya si SJDM Rep. Florida Robes upang mapagkalooban ng magandang buhay ang mga nagbalik-loob sa pamahalaan.
- Latest