Magsasaka sa Ifugao, pinaani ng libre ang mga pananim para sa mga community pantry
KIANGAN, Ifugao, Philippines — Itinuturing ngayon na ‘Good Samaritan’ ang isang magsasaka, na ayaw magpabanggit ng pangalan, matapos ipamahagi at ipaani ng libre ang kanyang mga pananim na mga gulay sa Barangay Bolog sa nasabing bayan.
Ayon sa Ifugao Youth Organization (IYO), ipinaani at ipinamigay ng libre ng magsasaka, na tinawag na lamang sa pangalan na Juan, 47, ang kanyang mga tanim na kamatis at kalabasa bilang tulong niya umano sa mga kababayan na apektado ng COVID-19.
Kabilang sa mga nakilahok sa libreng ani ay ang mga kabataan na miyembro ng IYO, ilang mga opisyal ng LGU at PNP mula sa mga bayan ng Kiangan, Alfonso Lista, Banaue, at Hingyon na nagdala ng kani-kanilang mga sasakyan at sako para sisidlan ng mga ani na ipapamahagi naman sa kanilang mga nasasakupan.
Ayon sa IYO, umabot sa 3,000 kilo ng kalabasa habang 100 kilo naman ng kamatis ang nakaya lang nilang anihin dahil na rin sa hirap at layo ng lalakarin mula sa lugar kung saan nila iniwan ang mga dalang sasakyan.
Ayon kay Allan Dumang-ag, isa ring magsasaka ng mga gulay, batid niya kung gaano ang hirap at pagod sa pagtatanim ng gulay para magkaroon ng magandang ani, bukod pa rito ang napakamahal na presyo ng mga abono at iba pang kagamitan sa pagsasaka.
“Isang kahanga-hanga ang ginawa niya, sa halip na ibenta para magka-pera, dahil medyo okey naman ang presyo ng kalabasa at kamatis ngayon, ay pinili niya na ipamahagi ang lahat na bunga ng kanyang pinaghirapan para sa kanyang mga kababayan, isa siyang tunay na bayani,” pahayag ni Dumang-ag.
- Latest