Bagyong Auring halos 31,900 pamilya ang apektado, 1 patay
MANILA, Philippines — Kahit tuluyan nang nalusaw ang low pressure area (LPA) na dating naging Severe Tropical Storm Auring, nag-iwan pa rin ng malaking pinsala sa bansa ang nasabing sama ng panahon — kabilang na riyan ang pagkawala ng buhay.
Nagmula sa CARAGA Administrative Region ang nasawi dulot ng sama ng panahon, ayon sa pinakahuling ulat na inilabas ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), Martes.
Samantala, umabot na sa 18,996 pamilya ang pinalikas sa kani-kanilang tahanan bago oa ang tumama ang bagyo. Karamihan sa kanila ay nagmula sa Mindanao.
Tinataya namang nasa 31,884 ang naperwisyo ng nasabing weather disturbance:
- Bicol Region (8 pamilya)
- Northern Mindanao (18 pamilya)
- Davao Region (566 pamilya)
- CARAGA (31,292 pamilya)
Kaugnay niyan, dalawa katao pa ang nawawala magpahanggang sa ngayon sa rehiyon ng CARAGA.
Aabot naman sa 240 kabahayan ang napinsala sa Region XI at CARAGA, kabilang 60 na wasak na wasak.
Nakatakda namang bumisita si Pangulong Rodrigo Duterte sa mahigit-kumulang 29,000 pamilya na nasalanta ng malalaking pagbaha sa Tandag City, Surigao del Sur, sabi ni Cabinet Secretary Karlo Nograles sa isang virtual press briefing.
Ayon kasi sa mga reports, umapaw ang Tandag River sa kalagitnaan ng pagbayo ng bagyo na siyang lumubog sa nasabing probinsya.
"Weather permitting, the President intends to visit and bring with him some Cabinet members para mabilis din yung aksyon pag may nakita siya na mga gaps o kailangan pang gawin over and above what is already being done by government," ani Nograles.
"We already got a briefing last night but the briefing will continue mamaya-maya pagdating ni Pangulong Duterte on the ground. Based on the briefing and the reports and his visual observation on the ground, ay magbibigay naman po ng mga direktiba si Pangulo."
Dagdag pa ng kalihim, patuloy pa rin ang relief, rescue at response operations magpahanggang sa ngayon sa mga nabanggit na apektdong lugar. Nagbigay na rin ng paunang financial assistance sa mga nasalanta sa ngayon. — James Relativo
- Latest