16,059 pamilya inilikas bago tumama bagyong Auring sa Eastern Samar
MANILA, Philippines — Libu-libong pamilya na ang pinaalis sa kani-kanilang mga kabahayan sa Visayas at Mindanao ilang oras bago inaasahang sumalpok ang Tropical Depression Auring, ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Basahin: Eastern Samar hahagipin ng huminang 'Auring,' bagyo baka maging LPA na lang
Sa pinakabagong tala ngh NDRRMC, umabot na sa 16,059 ang sumailalim sa "pre-emptive evacuation" bago tumawid ang bagyo sa kalupaan ng Eastern Samar ngayong Lunes:
- Central Visayas (1, 847 pamilya)
- Eastern Visayas (463 pamilya)
- Northern Mindanao (limang pamilya)
- CARAGA (13, 744 pamilya)
Ilan sa mga tumulong sa evacuation efforts ay ang Philippine Red Cross sa Surigao del Sur, bagay na kanilang ikinasa nitong Linggo sa mga binahang mga lugar na Brgy. Telaje, Tandag City.
EARLIER: The Philippine Red Cross Surigao del Sur Chapter assisted in the evacuation of residents from flood-affected areas in Brgy. Telaje, Tandag City, Surigao del Sur. Areas in Surigao experienced floods due to the heavy rains brought by TS Auring.#RedCrossRescue#AuringPH pic.twitter.com/aWXuxdgdU1
— Philippine Red Cross (@philredcross) February 21, 2021
Kasalukuyang 49,236 katao ang panandaliang tumutuloy ngayon sa 308 evacuation centers sa iba't ibang bahagi ng bansa, habang 1,720 naman sa kanila ang nakikituloy ngayon sa mga pamilya o kaibigan.
Huling namataan ang mata ng sama ng panahon 205 kilometro silangan ng Guian, Eastern Samar na kasalukuyang may dalang hangin na aabot sa 45 kilometro kada oras malapit sa gitna. Meron din itong bugso na papalo sa 55 kilometro kada oras.
Umabot naman na sa 179 ang mga bahay na napinsala ng bagyo:
- wasak na wasak (4)
- bahagyang pagkawasak (175)
Ilang landslide na rin ang naitala sa Mindanao kahapon, dahilan para tumulong na rin ang mga sundalo ng 29th Infantry Batallion sa paghawi ng mga nahulog na debris.
Lahat na rin ng unit sa ilalim ng 901st Brigade ay nagsagawa na ng disaster response operations para tumulong sa mga apektadong komunidad.
Naantalang mga biyahe
Kaugnay pa rin ng masungit na panahon, umabot na sa 40 domestic flights ng Philippine Airlines ang kinansela mula ika-19 hanggang ika-22 ng Pebrero.
Ilang paglalayag na rin ang hindi na itinuloy bilang paghahanda sa pagbayo ng tropical depression.
Sa susunod na 24 oras kasi, makararanas ng "rough seas" sa mga seaboards na nasa ilalim ng Signal no. 1, eastern seaboard ng Central Luzon, eastern seaboard ng Southern Luzon, southern seaboard ng Luzon at nalalabing seaboards ng Visayas, ayon sa PAGASA.
"Sea trips were cancelled In Region VI and VII [w]here 2, 931 passengers, 857 rolling cargoes and 6 vessels are stranded in ports in Regions VII and VIII," banggit pa ng NDRRMC.
- Latest