‘Bantay salakay’ na mag-asawa ipinaaresto ng among negosyante
Cash, alahas, titulo ng lupa tinangay
SAN LEONARDO, Nueva Ecija, Philippines — Isang mag-asawang katiwala na nalulong sa sugal ang dinakip ng pulisya matapos na ireklamo ng kanilang among babae na negosyante na nagmula pa sa Japan nang madiskubreng nilimas ng mga suspek ang mga pera, alahas at titulo ng lupa na nagkakahalaga ng mahigit P10 milyon, dito kamakalawa ng gabi.
Kinilala ng pulisya ang dinakip na sina Ronald Atayde, 27, at misis na si Melanie, 27, ng San Leonardo, NE. Sila ay nasukol sa isang kilalang subdibisyon sa Cabanatuan City, bandang alas-11:45 ng gabi noong Huwebes.
Sa imbestigasyon ni P/Staff Sergeant Norwin Cunanan, ang amo ng mga suspek na si Maribeth Omori, 50-anyos, tubong San Leonardo, NE, ay nakapag-asawa ng Hapon at nakatira sa Japan.
Dumulog sa pulisya si Omori at sinabing kinulimbat ng mag-asawang katiwala ang kanyang mga alahas at cash at mga titulo ng lupa habang siya ay naabutan ng lockdown sa Japan sanhi ng COVID-19 pandemic.
Kamakailan lang umano siya dumating sa bansa at nanatili sa isang pasilidad para sa mandatory quarantine protocol. Nang umuwi siya ng kanyang bahay sa Cabanatuan City ay laking-gulat niya nang malamang nawawala na ang mga pera, alahas at limang titulo ng kanyang lupa.
Nang arestuhin ang dalawang suspek ay isa sa mga alahas na nagkakahalaga ng P315,000 ang nabawi ng mga pulis dito.
Sa loob ng detention cell, inamin umano ng mag-asawa na isinanla nila ang mga alahas sa iba’t ibang pawnshop habang inamin ng lalaki na nalulong siya sa sugal kaya nagawang pagnakawan ang kanilang amo.
- Latest