Ex-Mayor Gordon yumao, binigyang pugay
MANILA, Philippines — Inilagay sa half mast ang bandila ng Pilipinas sa Rizal Triangle Park at Olongapo City Hall bilang pagbibigay pugay kay dating Zambales congressman at Olongapo City Mayor James “Bong” Gordon Jr. na pumanaw kamakalawa sa edad na 73 dahil sa cardiac arrest.
Nakiramay ang lokal na pamahalaan ng Olongapo at pamunuan ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) sa pamilyang naiwan ng yumaong dating alkalde na nakababatang kapatid ni PRC Chairman at Senador Richard Gordon at tiyuhin ni SBMA Director Brian Gordon.
Nabatid na dalawang araw na ibuburol ang labi ni Gordon simula kahapon, Peb. 10 hanggang Peb. 11 para sa public viewing mula alas-12 ng tanghali hanggang alas-9 ng gabi sa Heritage Park Chapel 3. Hindi pa nagbigay ng kumpletong detalye para sa February 12-13 kung saan dadalhin ang labi ng dating alkalde bago ihatid sa kanyang huling hantungan sa Pebrero 14 sa Gordon’s Park sa Olongapo City.
Bago naging alkalde, naging 1st district representative ng Zambales si Gordon noong 10th-12th Congress mula 1995-2004.
Nakidalamhati na rin kahapon at nag-alay ng panalangin ang Mababang Kapulungan ng Kongreso sa pangunguna ni Speaker Lor Allan Velasco sa pagpanaw ng dating kongresista.
- Latest