Quezon LGU employees na single inalok ng paid leave para 'forever' mahanap
MANILA, Philippines — Wala pa ring date para sa February 14? kakaiba ang pakulo ng isang alkalde sa probinsya ng Quezon para matulungan ang mga empleyado niyang single pa rin — "paid leave" para makahanap ng jowa.
'Yan nga ang ginawa ni General Luna, Quezon Mayor Matt Florido para naman hindi malungkot ang pagsalubong ng kanyang mga tauhan sa Araw ng mga Puso.
"[M]aaari kayong mag file ng leave sa February 11. Mahaba-haba ang oras niyo para maghanap [bago Valentines]," ani Florido, Huwebes ng gabi.
"With pay ang leave niyo, kase naka-support ako sa pinagdadaanan niyo. Ok? Lab u!"
PARA SA MGA LGU EMPLOYEES NA SINGLE: Pinapayagan ko kayo mag LEAVE sa February 12. Ilaan nyo ang buong araw sa...
Posted by Mayor Matt Florido Withaheart on Thursday, February 4, 2021
Una nang sinabi ni Florido na sa ika-12 ng Pebrero niya pagbibigyang lumiban sa trabaho ang General Luna local government unit employees, kaso special non-working holiday ang araw na iyon — Chinese New Year kasi, ayon sa Official Gazette.
May kinalaman: Ngayong Valentine's, DILG employees na 'taken for granted' nagsuot ng pula
Basahin: Mandaue makes Valentines Day special for singles
Sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na inilabas noong February 14, 2020, umabot na sa 34.8 milyon ang single sa buong Pilipinas batay sa 2015 census.
Ibig sabihin, 44% ng populasyon 10-anyos pataas ang walang asawa. Mas mataas 'yan ng 3.5 milyon kumpara sa mga single noong 2010 (31.3 milyon).
Nagsasagawa ang gobyerno ng datos pagdating sa marital status ng mga Pilipino kada 10 taon.
"While the number of single persons increased over more than a decade, the proportion to the total population 10 years old and over remained at close to 44% from the year 2000 to 2015," wika ng PSA noong nakaraang taon.
"Married persons comprised approximately 45% over the period 2000 to 2010 but shrunk to about 41 percent in 2015."
Sinasabing mas marami ang mga lalaking single sa Pilipinas, bagay na bumubuo sa 54.1%. Nagreresulta 'yan sa 188 single na Pinoy kada 100 single na Pinay.
- Latest