4,500 sundalo at sibilyan isinailalim sa mass swab testing
Cauayan City, Isabela, Philippines — Mahigit sa 4,500 katao kabilang ang 1,000 na miyembro ng Philippine Army ang sumailalim sa mass swab testing dahil sa patuloy na pagtaas na kaso ng COVID-19 sa Isabela at Cagayan.
Ayon kay Army Lt. Col. Aldren Pico, officer-in-charge ng Camp Melchor Dela Cruz Station Hospital, ang pagsasailalim sa mass swabbing kamakalawa sa mga sundalo ng 5th Infantry Division (5th-ID) sa Camp Melchor dela Cruz sa Gamu, Isabela ay para matiyak na wala sa kanilang hanay ang “carrier” ng COVID-19 lalo na ang kanilang mga fronliners na naglilingkod sa publiko.
Maliban sa mga sundalo, isinalang din sa libreng swab test ang mga civilian resource personnel sa kampo ng militar.
Ayon naman kay Army Maj. Gen. Laurence Mina, commanding general ng 5thID, bago pa ang mass swabbing sa mga sundalo ay unang sumailalim sa nasopharyngeal at oropharyngeal collection training ang may 27 personnel ng Camp Melchor dela Cruz Station Hospital sa pangunguna ng National Task Force-Aggressive Community Testing (NTF-ACT) at Department of Health (DOH).
Samantala, nagpapatuloy ang aggressive mass testing sa Cagayan dahil sa mataas na bilang ng mga nagpopositibo sa nasabing virus.
Ayon sa DOH, nasa 3,500 ang sumailalim sa pagsusuri sa Cagayan kabilang ang 250 katao sa bayan ng Solana, 400 sa Alcala, 355 sa Peñablanca, 500 sa Baggao, 55 sa Iguig, 45 sa Enrile, 5 sa Amulung at 1,500 sa Tuguegarao City. Magugunita na kabilang sa mga nagpositibong opisyal sa Cagayan sina Vice Gov. Melvin Vargas at Tuguegarao City Mayor Jefferson Soriano.
- Latest