6 top most wanted nalambat ng Valley cops
SANTIAGO CITY, Isabela , Philippines — Anim na mga top most wanted persons ang inaresto ng mga operatiba ng pulisya sa Cagayan Valley, ayon sa ulat ng Police Regional Office-02 (PRO2) kahapon.
Sinabi ni P/Lt. Col. Andree Abella, tagapagsalita ng PRO2, ang mga nadakip ay kinabibilangan ng top most wanted sa regional, provincial at municipal level na isinagawa ng Cagayan Valley cops sa magkakahiwalay na lugar kamakalawa.
Kabilang sa mga nadakip sina Andres Pagkaliwangan, 50, na itinuturong top 6 most wanted ng regional level sa PRO4A, top 1 most wanted ng San Antonio PNP at top 8 Provincial Level sa Cagayan dahil sa kasong murder; Jun Tollo, 41, top 5 municipal level, at Garry Liangao, 22, top 6 municipal level dahil sa kasong carnapping.
Dinakip din dakong alas-3:30 ng hapon ng pinagsanib na puwersa ng Isabela Provincial Intelligence Unit, Isabela PPO, Regional Intelligence Unit 2 at Delfin Albano PNP ang most wanted ng Isabela na si Edward Baldoz , 58, dahil sa kasong murder; Joel Yanit, 49, top 9 provincial level, sa kasong Forcible Abduction with Rape, at Soreta Agoto, 51, top most wanted municipal level.
- Latest